Arestado ang isang lalaki sa Bacoor City, Cavite matapos makumpirma ng mga awtoridad ang pagbebenta nito ng iligal na droga kapalit ng baril sa kanyang mga parokyano.

Sa nakalap na ulat, kinilala ang suspek na si Arnold Sumacot, na nabatid na nakulong na dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Isinagawa ang operasyon laban sa suspek noong Lunes sa bahay nito sa Brgy. Zapote V, nasabat kay Sumacot ang tinatayang 45 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P300,000, gayundin ang sumpak, mga bala ng shotgun, isang kalibre .9mm na baril at mga bala nito.

Posible umano na ginagamit sa mga gun-for-hire ang mga nasabat na baril.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.