Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Filipino-Chinese businessman na si Kenneth Dong, isa sa mga suspek sa P6.4-bilyon shabu shipment noong 2017.

Ito ay kinumpirma ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin kung saan si Dong ay ina­resto ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD).

Una nang nagpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 46 noong nakaraang taon para arestuhin si Dong, Customs broker Mark Taguba, Li Guang Feng alyas Manny Li, Eirene Mae Tatad, Teejan Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jhyun at Chen Rong Juan.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa importasyon ng iligal na droga.

Una nang kinilala ni Taguba si Dong bilang middle man ng kompanya na nagdala sa kontrabando sa isang bodega sa Valenzuela City.

Si Dong ay una na ring inaresto, 2-taon na ang nakakalipas dahil sa kasong rape pero ang kaso ay ibinasura ng Parañaque RTC.