Keno, Scratch It balik-operasyon

Balik-operasyon na muli ang Keno at Instant Sweepstakes na Scratch it schemes ng Philippine Charity Sweepstakes Office, simula kahapon.

Nalaman na ito ay makaraang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa utos na suspendihin ang lahat ng gaming operations ng PCSO dahil sa iregularidad.
Ayon sa ipinalabas na kalatas ng PCSO, kinumpirma nito na balik-normal na ang ticket sales at mga draw kahapon, Setyembre 28.

Matatandaan na nitong Hulyo ay inanunsyo ni Pa­ngulong Duterte ang suspensyon ng lahat ng mga gaming operation na may prangkisa, lisensya o permit na nagmula sa PCSO dahil sa korapsyon.

Nalaman na unang binawi ni Pangulong Duterte ang suspensyon sa kilala at mas tinatangkilik na lotto draws at Small Town Lottery (STL) dahilan sa wala umanong korupsiyon sa naturang online gaming. (Juliet de Loza-Cudia)