tonite-no-thanks-cristy-fermin

Pinagkukuwentuhan sa isang umpukan na puwede na raw magtayo ng sariling shop ang isang kilalang young actor dahil sa sobrang pagiging generous ng kanyang girlfriend na young actress.

Ganu’n pala katin­ding magmahal ang young female personality, lahat ng gusto ng kanyang boyfriend ay walang pagdadalawang-isip niyang ibi­nibigay, kesehodang siya na ang mawalan.

Kuwento ng aming source, “E, ano nga ba naman ang pakialam ng ibang tao kung ganu’n siya katinding magregalo sa boyfriend niya? Bakit, pera ba ng ibang tao ang ginagastos niya?

“Siya ang nagpapakahirap para kitain ang ipi­nambibili niya, siya ang nagpapakapagod at nagpupuyat, kaya walang pakialam ang kahit sino sa pagiging very generous niya!” pagtatanggol ng aming source sa female personality.

Hindi naman pala bilmoko ang kila­lang young actor, kung tutuusin ay pinipigilan na nga nito ang kanyang girlfriend sa kasi-shopping ng kanyang mga gusto, pero wala itong magawa.

“Naku, may pambili si young actor, may sarili siyang pera, saka mayaman ang pamil­ya nila! Hindi siya nagpapabili, napakarami na nga niyang stuff, kaya pinagbabawalan niya na ang girlfriend niya.

“Pero ganu’n talaga ang girl, wala siyang pakialam, basta naramdaman niyang may type ang boyfriend niya, agad-agad, e, binibili na niya at inireregalo sa boyfriend niya!

“E, ano naman ngayon kung sa material way siya mahilig, e, pera niya namang pinagpapaguran ang ipinambibili niya! E, kung sa maligaya siya kapag nakikita niyang masaya ang BF niya, may problema ba tayo du’n?

“Kesa nga naman sa becki pa manggaling ang mga paboritong stuff ng karelasyon niya, e, di siya na lang ang magbibigay!” pagtatapos ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha!
***

Arnell walang panahon sa pangarap

Bukas ay magiging pormal na ang pagbibitiw ng magaling na TV host na si Arnell Ignacio bilang Deputy Administrator ng OWWA. Maraming dahilan kung bakit.

Mahal na mahal ni Arnelli ang kanyang trabaho bilang kinatawan ng ating gobyerno para sa kapa­kanan ng mga OFW, pero tama ang kanyang punto na kailangan niya rin namang pagmalasakitan ang sarili niyang buhay, bago pa mahuli ang lahat.

Biyahe siya nang biyahe para ayusin ang problema ng mga manggagawa nating kababa­yan, pero sa katagalan ay naiisip niya, paano naman ang kanyang pamilya at negosyo kung wala siyang panahong naibibigay para du’n?

Napakarami na niyang napapalampas. Mahal na mahal niya rin ang pag-aartista at pagho-host pero wala na rin siyang maibigay na panahon para sa kanyang pangarap dahil okupado na ng kanyang trabaho sa OWWA ang lahat ng kanyang oras.

Nand’yan pa ang kanyang negosyo, ang Creative Hair Systems sa Greenhills na siya ang hinahanap ng kanilang mga kliyente. Pasilip-silip na lang siya, ni hindi makapagbigay nang sapat na oras sa bumubuhay na negosyo sa kanilang mag-ama.

Walang makakakuwestiyon sa sinserong panahong ipinamalagi ni Arnelli una sa PAGCOR, hanggang sa mag­palipat nga siya sa OWWA, dahil palaging kasama sa paglilingkod niya ang puso.

“Masarap makatulong sa mga kababayan natin, nakita kong lahat ang mga problema nila, wala akong pinagsisisihan at pinanghihinayangan sa panahong ipinamalagi ko sa PAGCOR at OWWA.

“Walang kasingsarap ang makita mong umiiyak sa tuwa ang mga OFW dahil nasolusyunan ang mga problema nila. Pero dumarating din ako sa point na tinatanong ko ang sarili ko.

“Mahal ko ang trabaho ko, pero kailangan ko ring mahalin ang anak ko, ang pangarap ko, ang mga bagay-bagay na mahalaga sa buhay ko,” sinserong pahayag ni Arnell Ignacio.