Kidapawan state of calamity sa dengue

Isinailalim na sa state of calamity ang Kidapawan City matapos magkasundo ang mga opisyal ng North Cotabato province dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.

Ayon kay Kidapawan Mayor Joseph Evangelista, idineklara ng Sangguniang Panlungsod ang rekomendasyon sa city disaster risk reduction and management council (CDRRMC) upang agad na masugpo ang lumalalang sakit.

Nabatid na ang Kidapawan ang ikalimang local government unit (LGU) sa Mindanao na nagdeklara na ng state of calamity dahil sa dengue outbreak.

Mula Enero hanggang Agosto ay tumala na ang bilang na 687 pasyente na nagkasakit ng dengue kumpara sa 237 noong nakaraang taon na kung saan ay may dalawang pasyente na ang nasawi.

Kabilang sa mga apektadong bayan na may mataas na bilang ng nagkakasakit ng dengue ay mga bayan ng Lanao, Birada, Poblacion, Amas, Paco, Balindog, Sudapin, Manongol, Magsaysay, at Singao. (Vick Aquino)