Malaking pera ang habol ng mga estudyanteng dumukot sa 19-anyos na college student ng Colegio de San Juan de Letran (CSJL) na ipinatubos ng P30 milyon sa mga magulang nito, ayon sa isinagawang imbestigasyon ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG).
Sinabi ni Senior Supt. Glenn Dumlao, director ng PNP-AKG, na ibinunyag mismo ng tumatayong mastermind ng grupo na si Jhulius Atabay na estudyante din ng Letran na plano rin nilang dukutin ang isa pa nilang mayaman na classmate na taga-Nueva Ecija.
Kahapon, nasagip ng mga tauhan ng PNP-AKG ang 19-anyos na biktimang si Denzhel Gomez, estudyante ng CSJL sa Intramuros, Manila makaraang magsumbong sa kanila ang magulang ng biktima kaugnay ng hinihinging P30 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng kanilang anak.
Nauna dito, dinukot si Gomez noong Agosto 1, 2018 bandang alas-9:20 ng gabi habang naghihintay ng bus kasama si Atabay sa Lawton sa Ermita, Maynila.
Tinutukan ng baril ng mga kidnapper si Gomez at puwersahang isinakay sa isang van at itinali ang mga kamay at nilagyan ng packaging tape ang bibig at kamay. Pero kalaunan ay pinakawalan si Atabay.
Si Atabay na ang nakipagnegosasyon sa magulang ni Gomez na nagduda sa paiba-ibang pahayag nito lalo na nang magboluntaryo itong maghahatid ng ransom money sa mga dumukot.
Dito na nagsumbong sa PNP ang magulang ng biktima kaya nadakip si Atabay kasama ng mga suspek na sasampahan na ng kasong kidnapping for ransom na sina Ferdinand dela Vega (CSJL), Ralph Emmanuel Camaya (CSJL) at Justine Mahipus (Saint Benilde), pawang mga college student, habang tinutugis pa ng mga awtoridad ang kanilang mga kasamahan na sina Eriek Candava (CSJL), Gabriel Rabi (Far Eastern University), Billy Rocillo (CSJL), Arvi Velasquez (Parañaque Flying School), Miguel Austria (CSJL) at Kim Pascua (CSJL).
Sinabi pa ni Dumlao na hindi umano miyembro ng fraternity ang mga suspek dahil plano pa lamang ng mga itong magtayo ng brotherhood at makalikom ng pera.
Nakaplano na umano ang partehan ng perang malilikom sana sa ransom money ni Gomez.
“Si Ferdinand dela Vega, pinangakuan ‘yan ng P40,000 pero allegedly ang sabi ni Jhulius Atabay, initiation lang ito ng frat. ‘Wag niyong papakainin, ‘wag niyong kakausapin’,” sabi pa umano nito.
Nagbabala rin si Dumlao na pawang armado umano ng baril ang mga pinaghahanap na suspek na sina Candava at Austria.
Inamin din ni Atabay na trip lang nilang kumita ng malaking pera kaya sila nasangkot sa kidnapping ng kanilang mga kaklase.
Tinangka ng PNP-AKG na kunin ang mga school record ng mga estudyanteng sangkot subalit hindi umano pumayag ang Letran hanggang walang court order na nag-uutos nito.
Gayunman, handa umano silang makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon kaugnay ng kidnap for ransom na kinasasangkutan ng kanilang mga estudyante.
“The Colegio remains committed to the just resolution of this case, to cooperating with police efforts, to extending appropriate help to the family of the alleged kidnap victim, and to the protection and promotion of the welfare of our students,” sabi pa sa statement ng Letran.