Humihingi ng tulong sa Manila Police District (MPD) ang mga estudyante ng isang pribadong paaralan na karamihan ng mga nag-aaral ay mga Chinese na manmanan at arestuhin ang isang babae at lalaki na gumagala sa kanilang paaralan na hinihinalang mga kidnapper.
Ayon sa authorities ng pribadong paaralan na nasa Paco, Maynila na hindi na muna pinangalanan, naalerto umano ang mga security guards ng paaralan kasunod ng mga report na may babae at lalaki na pawang kahina-hinala ang kilos at pagala-gala sa bisinidad ng paaralan.
Sa isinagawang review sa closed circuit television (CCTV) sa paaralan ay nakita ang dalawa na may dinakma na isang babaeng estudyante na papasok sa gate ng paaralan matapos bumaba sa naghatid na sasakyan.
Kaugnay nito ay nakahanda umano ang school authorities na ibigay sa pulisya ang kinakailangan nilang detalye para maestabilisa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Ang dalawa, ayon sa school authorities, ay sakay ng isang Toyota Avanza at nakita silang kapwa kahina-hinala ang kilos.
May isang pagkakataon umanong inutusan ng guwardiya ang isa nilang maintenance sa paaralan para sundan ang dalawa at kunin ang plate number ng sasakyan at narinig pa ang babae na nagsalita sa kasamang lalaki ng, “Puro ka tutok, hatakin mo na!”
Inilarawan ang babae na may taas 5’1, 60-anyos, maitim, may kulay ang buhok, habang ang lalaki naman ay may taas na 5’5, balingkinitan ang katawan, at nasa edad 55.