Kidnappers sa Surigao gigiyerahin

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na ginagawa na nila ang lahat para ligtas na mabawi ang tatlong pulis at isang non-uniformed personnel na dinukot ng mga rebelde sa Malimono, Surigao del Norte noong Linggo.

Ayon kay dela Rosa, hindi nila basta iiwan ang kanilang mga tauhan at gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang marekober nila ang mga ito.

Dagdag pa ni dela Rosa, makikipag-negosasyon muna sila at kung hindi uubra at tsaka sila magsasagawa ng operasyon upang masagip ang mga biktima.

“Kung kakailanganin na makipag-digmaan kami para muling makuha ang aming mga kasamahan, gagawin namin ito ngunit makikipag-usap muna kami,” wika ni dela Rosa.