Kasong kidnapping serious illegal detention at administrative ang isinampang kaso laban sa pitong pulis-Las Piñas na sangkot sa pagdukot at pangongotong sa kanilang inarestong drug suspect kamakailan sa Las Piñas City.
Sa panayam kay National Capital Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar, nito lamang Huwebes ng hapon nang maisampa ang kasong kidnapping, serious illegal detention laban kina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao, PO2 Jayson Arellano, PO1 Raymart Gomez, PO1 Ericson Rivera, PO1 Mark Fulgencio at PO1 Jeffrey de Leon.
Ayon kay Eleazar, ang kasong administratibo naman ay patuloy pa ring pina-process at kabilang ang kasong grave misconduct sa pitong pulis.
Aniya, ang pito ay nasa custody ngayon ng Regional Office ng NCRPO.
Samantala, matapos na tanggalin ang 36 na mga tauhan ng DEU ng Las Piñas City Police, nagtalaga na ng mga bagong miyembro para maibalik na ang kanilang operasyon laban sa illegal na droga.
Magugunitang mismong si NCRPO Chief Eleazar ang nagpatanggal sa 36 na mga miyembro ng DEU ng Las Piñas kasabay ng pagsibak sa hepe nito na si Senior Supt. Marion Balonglong.
Naging ugat ang pagsibak sa mga nasabing pulis matapos hulihin at kotongan ang pamilya ng nahuli nilang umano’y drug suspect na si Cyrus Glema Ligutan ng Brgy. Bulihan Silang, Cavite matapos hingan ng P200,000 pesos ang kaanak noong nakaraang linggo.