Kidnapping uli sa Okada: 2 Chinese nalambat

OKADA CUSTOMER KINIDNAP

Arestado ang dalawang Chinese national na miyembro ng loan shark syndicate matapos nilang kidnapin ang isa nilang kababayan sa panibagong insidente ng pagdukot sa Okada Hotel and Casino sa Parañaque City kahapon nang madaling-araw.

Nasagip ng rumespondeng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang Chinese national na biktimang nakilalang si Jiang Longgen, lalaki, 32-anyos, tubong Sichuan, China, habang nadakip naman ang dalawa nitong kababayang suspek na sina Jiang Zhenqiang, at Zhu Peijian, pawang 35-anyos.

Ayon kay PNP-AKG Spokesperson Police Major Ronaldo Lumactod, naglaro ng vasino ang biktima sa Okada Hotel and Casino na matatagpuan sa Seaside Drive, Brgy. Tambo, Parañaque City kamakalawa nang gabi subalit natalo ang dala nitong P1.7 milyon halaga na casino chips.

Dito na umentra ang mga suspek at kinausap ang biktima at pahiramin ito ng halagang P1 milyon ha­laga na chips na kinuha naman ni Jiang dahil sa gusto nitong makabawi ng talo.

Subalit lumipas ang oras ay natalo rin ang ipinahiram na pera sa biktima dahilan upang dalhin ito ng mga suspek sa isang kuwarto ng hotel.

Napag-alaman na sa naganap na transaksyon sa loob ng kuwarto ay nakapagbayad umano ng P1 milyon ang biktima sa pamamagitan ng money transfer subalit hindi pa rin siya pinakawalan ng mga suspek at agad itong ibinaba ng kuwarto patungo sa van ng mga suspek.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakahingi na ng tulong sa mga tauhan ng PNP-AKG ang pamunuan ng Okada at ini-report ang nagaganap na kidnapping at nasakote ang mga suspek habang nasa loob sila ng van sa labas na ng hotel gayundin ang pagsagip sa biktima. (Edwin Balasa)