Kiefer mas madalas sa labas ng court

Kung susumahin ni Kiefer Ravena, nasa pangatlong season na siyang halos ay hindi naglalaro sa PBA.

Binabaan ng FIBA ang NLEX guard ng 18-month suspension noong June 2018, nakabalik sa Governors Cup noong nakaraang taon.

Pumalaot sa playoffs ang Road Warriors bilang top seed, pero nasipa ng NorthPort sa quarterfinals. Natapos ang one-conference season ni Kiefer.

“That’s two years of no playing,” ani Ravena sa PBA website.

Uumpisahan sana ni Ravena at ng NLEX ang 45th season noong March 11, pero sa araw ring ‘yun ay kinasela ng PBA ang Philippine Cup. Garahe na naman si Kiefer.

Kung tutuusin, mas mahaba pa ang conference inilagi ni Ravena sa labas ng court kaysa sa inilaro sapul nang hugutin ng NLEX bilang No. 2 pick noong 2017.

Dahil sa coronavirus, namemeligrong makansela din ang kasalukuyang season. Kung ibabalik, malamang na isang conference na lang.

At hahaba na naman ang pagkakagarahe ng 26-anyos na dating two-time MVP at two-time UAAP champion mula Ateneo.

“May mga bagay na nangyayari talaga na ‘di natin maiiwasan,” dagdag ni Kiefer.

Hindi nagrereklamo si Ravena kahit suspendido pa ang PBA, positibong nangyari sa quarantine ay ang mas mahabang oras na niya kasama ng pamilya.

Buong mag-anak nina TNT coach Bong Ravena at misis na si dating UST volleyball player Mozzy, nag-repack ng relief goods para sa mga naapektuhan ng COVID-19. Sinamahan pa sila ng girlfriend ni Kiefer na si volleyball star Alyssa Valdez.

“Nagkaroon ng time with the family,” panapos na wika ni Kiefer. “Since four years old, hindi na ako tumigil maglaro ng basketball.” (Vladi Eduarte)