‘Di kinakitaan ng kalawang si Kiefer Ravena sa pagbabalik PBA matapos ng 18-month FIBA-sanctioned suspension.
Sa unang tatlong laro sa Governors Cup, pinagdiinan ng NLEX sophomore guard na nakabalik na siya.
Solido ang laro ng Phenom, sa pangatlong laro lang ay umiskor na ng season-high 25 mula 5 for 8 shooting sa labas ng arc nang itumba ng Road Warriors ang Blackwater Elite 115-109 sa Sta. Rosa Multi-Sport Center sa Laguna nitong Linggo.
May sahog pang pitong rebound at pitong assist si Ravena para itulak ang NLEX sa tuktok ng season-ending conference standings sa 3-0.
Sa dalawang panalo ng Road Warriors nitong Setyembre. 23-29, nag-average ang 25-anyos na playmaker ng 20.0 points, 7.0 rebounds at 7.5 assists para gawaran ng PBA Press Corps-Cignal Player of the Week citation (Setyembre. 23-29).
Nagsumite ang dating kamador ng Ateneo ng 15 markers, pitong board at pitong dime sa 105-99 win sa Meralco Bolts noong Setyembre 25.
Dalawa pang teammates ni Ravena, sina wingman Kenneth Ighalo at veteran JR Quinahan, ang nominado sa weekly honors, kasama sina Jayson Castro, RR Pogoy at Don Trollano ng TNT, sina Alex Cabagnot, Arwind Santos at June Mar Fajardo ng San Miguel Beer, at sina Ian Sangalang ng Magnolia at Matthew Wright ng Phoenix.
Parehong 2-0 sa period ang KaTropa at SMB. (VE)