Kiefer tagabitbit sa Gilas tuneup games

‘Di pa puwedeng lumaro kahit sa tuneup games ng Gilas Pilipinas si Kiefer Ravena, sa Aug. 24 pa matatapos ang kanyang suspensiyon mula sa FIBA (International Basketball Federation).

Balik sa pool ng National team ang NLEX guard, pang-11 miyembrong sumama sa Gilas sa Spain para sa ilang laro doon bago ang 18th FIBA World Cup 2019 sa Aug. 31-Sept. 15 sa China.

Wala sa loob ng court, pero maraming puwedeng gawin si Ravena para makatulong. Kahit maging utility pa siya.

“’Yun muna ang focus ko, kasi ‘di pa naman ako makakalaro,” aniya sa huling praktis ng team nitong Sabado bago tumulak ng Linggo pa-Madrid.

“’Dun muna ang focus ko siguro, to help do these little things even just carrying bags or helping sila, Bong T (Tulabot).”

Dahil suspendido pa si Ravena, 10 players lang ang magagamit ni coach Yeng Guiao sa Spain.

‘Di nakasama sina June Mar Fajardo at Christian Standhardinger ng San Miguel, at sina Troy Rosario at RR Pogoy ng TNT. Nagbubuno pa ang Beermen at KaTropa sa Commissioner’s Cup Finals umpisa kagabi.

Wala rin si Raymond Almazan na ‘di nakahabol ng visa, at ‘di sumama sina injured Stanley Pringle at Marcio Lassiter.

Umalis kahapon sina Andray Blatche, Gabe Norwood, atbp. (Vladi Eduarte)