Si Kiel Alo ay isang mahusay na balladeer na tinaguriang Hugot King dahil sa hilig mag-post ng hugot lines sa social media. Ayon sa 24-year-old na singer, 10 years old pa lang nang nagsimula siyang kumanta.
Paano niya ide-describe ang sarili bilang artist? “As an artist po, I express rather than impress. Napaka-importante po sa akin ang bawat lyrics na aking bibitawan sa mga manonood at kung paaano ko ito ipararamdam sa kanila,” saad ni Kiel.
Inusisa rin namin siya kung paano napunta sa pangangalaga ng manager niyang si Jobert Sucaldito. “Ako po, na-discover ako ni nanay Jobert sa isang birthday party. Yung dati kong manager, birthday tapos di ko alam na nandoon siya. Ang plano ko noon-kasi dati nagtatrabaho ako sa SMDC-sabi ko maraming mga artista rito bebentehan ko  ng condo. Iyon yung kaya ako nagpunta roon, kasi dapat papaalis na ako papuntang Kuwait. So sabi ko, may mga quota kasi rati…
“So anyways… yun, e di inom lang ako, that time broken hearted ako. So siyempre inom ako, tapos nalasing. Tapos parang nag-request yung birthday celebrant na kumanta ako. Siyempre ‘pag lasing ka na, wala ka nang pakialam, e. Tapos ikakanta mo talaga, tapos masakit pa puso mo. Kaya I just poured my heart out doon, nagulat ako palakpakan ‘yung mga tao. Nag-more, tapos kanta ulit ako… tapos ‘yun, pinatawag na ako ni nanay.
“Sabi niya, ‘Gusto mo ba i-try?’ Sabi ko, ‘Pag-iisipan ko po’. Noong una talaga very hesitant ako, kasi naging part na ako before ng isang… naging Viva artist ako so parang nabuhos ko na ‘yung panahon ko roon, kaya sabi ko, ‘Enough na’. Eh kaso ewan ko, iba talaga ang buhay, na kahit iwasan mo, kung para sa iyo ay talagang ibabalik ka ng Universe.”
Paano siya naging Viva artist? “Mayroon kaming group before, matagal na yun, yung Fresh Mix, isa siyang group na sing and dance. Under kay Tom Adrales, doon ako natutong medyo gumalaw. After ng concert namin, for some reason ay ‘di na nag-operate iyong group, kaya sabi ko ay mag-aaral muna ako.”
Sino ang iniidolo niyang singer? “Siguro sa local, siyempre Martin (Nievera), Gary (Valenciano), Janno (Gibbs)… So ‘yung mga ano talaga, mga batikan na male. Sa female naman, si Ms. Regine (Velasquez) ‘tsaka si Lea Salonga.”
May dream ba siyang maka-duet someday? “Siguro sa local si Ms. Lea Salonga, tapos ‘yung sa mga generations ngayon, si Morisette Amon.”
Nagko-compose din ba siya ng kanta? “Ako, composer ako. Marami akong kanta. Pero ang kailangan ko arrangers. More on lyrics,” saad pa ni Kiel.
Nang dumating sa segment na ipinakita ang photo ni Michael Pangilinan, ito ang naging message ni Kiel sa kanya: “Bro, gusto ko pasalamatan ka sa lahat ng naitulong niya sa akin. Kasi nag-start ako, siya ‘yung laging igine-guest ako, sobrang bait ng tao na ito. More blessings to come and see you soon.”
Siya ba ang pumalit sa iniwang puwesto ni Michael sa bakuran ni Jobert? “Hindi po. Siyempre mahirap ‘yun e, magkaiba naman kami ng genre.”
Ano ang message niya kay Jo­bert? “Ako ever since na nagsimula ako, kasi nagkaroon na ako ng parang distrust sa industriya kasi I have so many failures nga with management. Pero when I met this beautiful mother, ‘yun nga, talagang naniwala ako na may mababait pa palang tao sa industrya na puwede mong pagkatiwalaan. So hanggang ngayon, nandoon pa rin yung loyalty ko sa kanya, kaya love na love ko iyan,” nakangiting saad pa ni Kiel.