Uminit na naman ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan dahil sa pagkakasangkot ng mga kabataan sa iligal na droga na nagresulta sa paggawa ng krimen.
Ayon sa Pangulo, hindi magawang maipakulong ang mga kabataan dahil sa Pangilinan Law kung saan hindi puwedeng ikulong ang mga nagkasalang kabataan mula edad 15 pababa.
Ayon kay Pangulong Duterte, halos araw-araw ay mga naitatalang krimeng nagawa ang mga kabataang lulong sa iligal na droga.
“Alam n’yo ba si Pangilinan? Bumilib kayo sa gunggong na ‘yan? ‘Yan ang gumawa ng batas na hindi mo maikulong ang 15 years old. They go in and out of the prison because of the Pangilinan Law,” anang Pangulo.
Hindi aniya maipakulong ng mga pulis at social worker ang mga menor de edad na nakagawa ng krimen dahil isinasangkalan ng mga ito ang batas ni Sen. Kiko.
Ang masaklap pa nito ayon sa Presidente ay hindi man lang ma-lecturan ang mga kabataan tungkol sa social responsibility at tungkulin nila sa bansa.
“You ask your police and social workers, they go in and out of the prison because they have with them the copy of their birth certificate. They kill, they steal they rape and kill, whatever the crime is they are scot free,” dagdag pa ng Pangulo.
Mistulang kinutya ng Presidente ang senador na aniya ay nagpa-assign sa gobyerno matapos mag-aral sa Harvard para lamang magkapuwesto.
“The only problem itong si Kiko, punta-punta sa Harvard, pa-english-english pagdating dito galing Harvard, ang ginawa nagpa-appoint sa Agriculture para lang nandiyan sa puwesto, pinapaalis na nga ng asawa niya sa bahay niya, ayaw kasi walang ibang matirhan, totoo ‘yan,” dagdag pa ng Pangulo.
Aminado ang Presidente na ang iligal na droga pa rin ang pinakamabigat na problema sa banda dahil sa kabila ng pinaigting na kampanya ay marami pa rin ang nahuhumaling partikular ang shabu. (Aileen Taliping)