Hinikayat ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang mga nagsusulong ng Charter Change (Cha-cha) na linawin sa publiko kung ano ang plano nila para sa midterm elections sa Mayo 2019 kung ang kanilang target ay maisabay dito ang plebesito para sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno.

“Ang tanong lang kung isasabay sa eleksiyon sa May 2019, kung maaprubahan ang federalism paano ang set up kasi andun pa rin ang mga senador at kongresista.

Kailangan ko rin tanungin kasi paano ba maghahalal pa rin ng senador at kongresista at the same time babaguhin ang sistema.

Kailangan ko ring intindihin kasi ang alam ko ‘pag may amyenda sa Saligang Batas, it will take effect immediately,” saad ni Pangilinan sa panayam ng DZBB.

Sinabi ni Pangilinan na kakayanin namang ihabol sa Mayo 2019 ang plebesito subalit binigyang-diin na dapat na maging malinaw ang lahat ng usapin.

Muli naman nitong tiniyak na tututulan nila ang planong term extension o no election sa Mayo 2019 dahil labag ito sa kasalukuyang Saligang Batas.

“Hindi ako papayag sa ano mang term extension, I think self serving at mahirap ipaliwanag na kami ay nagdedesisyon para mapalawig ang termino namin. Out of delicadeza, we shouldn’t be doing that,” dagdag ni Pangilinan.

Nilinaw din naman nito na wala namang pressure sa kanyang komite upang madaliin ang pagdinig sa mga resolusyong nakahain sa kanila para sa pagbabago ng Konstitusyon. ()