Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang umano’y kilabot na hol­daper at snatcher nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem habang nakikipag-usap sa tatlong babae sa isang kalye sa Barangay Palatiw, Pasig City, kahapon ng hatinggabi.

Isinugod pa sa Pasig General Hospital ang biktimang si Richard Lara alyas ‘Pusa’, 33, binata, ng 38 Villa Silva St., Barangay Palatiw ng nasabing lungsod subalit idineklarang dead on the spot ito sanhi ng walong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Rusthom Valdez ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasig City Police, dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa N. Cruz corner Bilog Sts. ng nasabing lungsod.

Nakatayo umano ang biktima at may tatlong babaeng kausap nang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka na lulan ng dalawang armadong lalaki.

Paglapit ng mga suspek ay pinagbabaril ang biktima at nang duguang bumulagta at masigurong patay na, mabilis na nagsitakas ang mga ito.

Masuwerte namang hindi tinamaan ang tatlong babae na kausap ng biktima na nagsabi sa mga awtoridad na hindi nila nakilala ang mga salarin dahil naka-bonnet.

Sa rekord naman ng pulisya, kilalang kilabot na akyat bahay, holdaper at snatcher umano ang biktima sa nasabing lugar.