Tiyak na natutuwa ngayon ang maraming residente sa Tacloban City at Samar pro­vince sa super yaman na businessman na maraming negosyo kabilang ang broadcasting.

Ayon sa aking bubwit, nagpatayo si businessman ng mga eskuwelahan sa maraming lugar sa Tacloban at Samar para pakinabangan ng mga batang mag-aaral sa nasabing lungsod at lalawigan. Pero hindi lang mga batang mag-aaral ang makikinabang sa mga eskuwelahang ipinatayo ng bilyonaryong negosyante.

Ayon sa aking bubwit, typhoon-proof ang school buildings na ipinagawa ng negosyante na siguradong magagamit ng husto ng maraming residente sa Tacloban at Samar sa loob ng maraming taon.

Dalawa ang magiging silbi ng mga school building sa mga residente, paaralan ng mga batang mag-aaral at evacua­tion centers kapag may kalamidad sa lugar lalo’t ang Tacloban at mga katabing lugar ay madalas tumbukin ng malalakas na bagyo gaya ng super typhoon Yolanda na nag-iwan ng libo-libong patay at malawakang pinsala sa lungsod noong 2013.

Ayon sa aking bubwit, idinisenyo ang 65 school bldgs. na kaka­yanin kahit mga bagyo na may dalang lakas ng hangin na mula 200 hanggang 300 kph. Dual purpose talaga, paaralan at proteksyon ng mga residente sa oras ng sakuna.

Ang mga typhoon-proof school bldgs. ay ginastusan ni businessman ng P165M at ang pera ay galing sa donasyon ng publiko sa fund-raising campaign ng isa sa kanyang mga negosyo para sa mga sinalanta ng bagyo. Umabot sa P200M ang donasyon at ‘yung balanseng P35M ay gagastusin din sa dagdag na paaralan sa Tacloban.

Ang negosyanteng nagpatayo ng typoon-proof na mga eskuwelahan sa Tacloban at Samar na ayaw itong ipamalita kahit sa pagmamay-ari niyang network ay si Gabby Lopez ng ABS-CBN.