Kilalanin ang mga bayani pagkatapos ng COVID-19

Pagpasensiyahan po muna ninyo uli kung medyo hindi direkta sa sports ang aking kolum para sa araw na ito.

Iyan naman po kasi ay sa patuloy na Enhanced Community Quarantine (ECQ) o Luzon lockdown na mag-iisang buwan na sa Huwebes o Abril 16.

Kabi-kabilang mga pagsaludo na, papuri at pasasalamat ang mga inaabot ng frontliners na nangungunang lumalaban at pumipigil na hindi kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sila ang mga nars, doktor, iba pang healthworker, mga pulis, sundalo at volunteer na mga tunay na bayani natin sa kasalukuyang krisis.

Mayroon pa tayong ibang bayani pa, lalo na sa sports. Sila ang walang sawa rin sa pagtulong sa mga frontliner at mga kapwa natin na kailangang-kailangan ng ayuda sa mga panahong ito.

Nabanggit ko na po sa isang labas ng TP sila. Kaya hindi na po ako maghahayag ng mga pangalan ngayong araw.

Basta kilala na sila ng taumbayan. Sila ang mga basketball player, volleyball player, sportsman-businessman, national athlete, coaches at iba pa.

Bukod sa mga manggagamot natin, kapulisan, kasundaluhan at iba pang natulong sa paglaban sa virus, matapos ang suliraning ito ng mundo, sana kilalanin ang mga dapat na parangalan.

Pati na rin ang mga taga-sports, ang magpapataba sa kanilang puso ay ang mga liga nilang kinabibilangan. Kagaya ng Philippine SuperLiga (PSL), Premier Volleyball League (PVL), Philippine Basketball Association PBA);

Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at National Collegiate Athletic Association (NCAA). Maging ang mula sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at iba pa.

Kung may nais po kayong itanong o gusto po ninyong magkomento, mag-email lang po sa ramilcruz2003@gmail.com, ramilcruz2003@yahoo.com.

Manalangin din po tayong lahat na matapos na po sana ang COVID-19. Hanggang sa susunod pong Martes mga Ka-Abante TONITE.