Maituturing na bayani ang limang kataong team na ipinadala ng Department of Health (DOH) sa Wuhan, China para sunduin ang may 32 overseas Filipino workers (OFW).
Hindi biro ang katapangan na ipinakita ng grupo ni Dr. Neptali Labasan na tinaya ang kanilang kaligtasan para saklolohan ang mga kababayang nasa sentro ng 2019 novel coronavirus.
Sa panayam kay Labasan, 50-anyos, may 14 taon na siyang nagtatrabaho bilang quarantine officer V sa DOH.
Nang tanungin kung hindi ba siya nakaramdam ng takot, sinabi ni Labasan na, “Medyo may konting kaba pero ito talaga ang trabaho namin sa gobyerno at lagi kaming nasa frontline, nagkataon lang na ako ang napiling ipadala pero ‘yung apat kong kasama ay mga volunteer,” ayon kay Labasan.
Sinabi ni Labasan na silang lima ngayon ay kasama na rin ng 32 Pinoy na binabantayan sa Athlete’s Village sa Tarlac na ginawang quarantine facility.
Unang pagkakataon pala ito na ipinadala si Labasan sa ganitong misyon sa isang lugar kung saan nagkaroon ng nCoV outbreak.
Sa ngayon nasa maayos na kalagayan naman aniya ang 32 Pinoy na naka-quarantine sa Athlete’s Village at ibinibigay naman ang kanilang mga pangangailangan.
“Mabuti naman po kami dito, baka tumaba kami paglabas namin,” pagbibiro ni Labasan.
Nag-aral si Labasan ng kanyang Master in National Security Administration sa National Defense College of the Philippines. Nagtapos din siya ng B.S. Medtech sa Trinity University of Asia at nag-aral ng pagka-doktor sa Our Lady of Fatima University.
Kasama ni Labasan ang volunteer na si Dr. Oliver Macalinao, pediatrician sa San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Santulan, Malabon. Si Rowell Divinagracia, nurse sa Philippine Heart Center, kumuha siya ng kanyang Master of Arts sa University of the Philippines.
Mahilig si Divinagracia na pumunta sa iba’t ibang lugar at tulad ng tatlo pa niyang kasama ay nag-volunteer na magpunta sa Wuhan para sunduin ang mga Pinoy doon.
Si Jay Julian naman ay isang nurse sa DOH-Health Emergency Management Bureau (HEMB). Habang si Elmer Callong ay isang medical technologist sa Philippine Heart Center.
Ayon kay DOH Undersecretary Gerardo Bayugo, ipinagmamalaki niya ang ‘Brave 5’ na ang bawat isa ay mayroong karanasan sa emergency response at infection prevention and control.
“They are all volunteers. We cannot force anyone to join because there are risks involved, so it should be voluntary. But they all stepped forward and offered their services. So they are now being called ‘The Brave 5’,” ani Bayugo. (Juliet de Loza-Cudia)