Kung ang pagbabatayan ay ang kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, nitong nagdaaang Lunes (Agosto 7), nagtapos ang kanyang 15-araw na ‘kill jueteng’ ultimatum sa mga regional, provincial, city at municipal police commanders.

Pero batay sa naging ulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos ang pakikipagharap nila kay Bato noong Hulyo 26, ngayong araw ng Miyerkules pa lamang magtatapos ang ultimatum ni Bato.

May masisibak bang regional director, provincial director, city director, at chief of police?

O baka naman wala ng jueteng, virtual 2, masiao, swertres, at iba pang klase ng ilegal na sugal sa kani-kanilang nasasakupan.

Hayaan nating ang hepe ng PNP mismo ang magbigay ulat kung tigok na ba o hindi ang jueteng at iba pang ilegal na su­gal sa ating bansa.

Noong Lunes, ayon sa aking pasa-bilis, pinulong ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz at PCSO General Manager Alexander ‘Mandirigma’ Balutan ang lahat ng kanilang 92 na Authorized Agent Corporations (AAC) kasama ang ilang opisyal ng PNP. Ang AAC ay mga pribadong negosyo na binigyan ng PCSO ng otorisasyon na maglaro ng Small Town Lottery (STL). Sa bawat probinsiya at lungsod, isa lamang na AAC ang otorisadong maglaro ng STL.

Sa pulong naglabasan ang sari-saring problema ng mga AAC sa ilang lokal na pulisya sa rehiyon, probinsiya, lungsod at munisipyo, pati na sa intelligence unit ng mga ito.

Nariyan din ang patuloy na panggigipit ng ilang lokal na pamahalaan gaya ng governor, mayor at pati na ang sanggunian na nasa pamumuno ng vice governor at vice mayor.

Sumulpot din ang problema mismo ng ilang AAC na nagbo-‘bookies’ kahit na legal na silang naglalaro ng STL. Kailangan nilang gawin ito para may panlagay sila sa pulis at pulitiko para hindi sila guluhin, paghuhulihin at sampahan ng gawa-gawang kaso.

Sumulpot din ang ilang problema na mismong ang hepe ng lokal na pulisya o si mayor o isang maimpluwensiyang spulitiko ang mismong gumagamit ng STL para mag-bookies.

Sa madaling sabi, sa ganitong sitwasyon malayang nakapamamayagpag ang jueteng, virtual 2, masiao, swertres at iba pang klase ng ilegal na sugal sa mga lugar kung saan ginugulo ang STL, lalong-lalo na sa mga lugar na wala pang STL.

Ang pangako ni Bato, kanyang pagsisibakin ang mga police commander na walang ginawa upang patigilin ang jueteng at iba pang ilegal na sugal sa loob ng 15 araw.

Binigyan ni Bato ng otoridad ang reginal director na sibakin ang suwail na provincial director at city director, gayun din ang provincial director na sibakin ang suwail na chief of police.

Deadline ngayong araw.

Kailangang humingi ng sertipikasyon ang mga police commander sa AAC at PCSO na wala nang jueteng o ilegal na sugal sa kani-kanilang nasasakupan.

Pero ayon sa aking pasa-bilis, biglang binago umano ni Bato ang usapin ng sertipikasyon dahil ang regional director na lang ang magbibigay sa kanya ng sertipikasyon na wala nang jueteng o ilegal na sugal sa kanyang nasasakupan. Hindi na kailangan ang galing sa AAC at PCSO!

Walang patutunguhan ang kampanya laban sa jueteng at iba pang klase ng ilegal na su­gal na naglipana sa ating bansa kung patuloy na lalaruin ng PNP ang Executive Order No. 13 (Anti-Illegal Gambling) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Patuloy ding yuyu­rakan ng mga gambling lord kasabwat ang mga protektor nila sa gobyerno ang expanded STL ng PCSO.

[Para sa suhestiyon at reaksyon, i-email sa jbsalarzon@yahoo.com. Kumonekta sa http://facebook.com/jbsalarzon]