Minaliit ng Philippine National Police (PNP) ang paglalabas ng ‘kill list’ ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kung saan target umano ng mga ito ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Ilan umano sa target ng mga rebelde sina Department of Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff Major General Antonio Parlade, National Commission on Indigenous Peoples Chairman Allen Capuyen, National Security Adviser Hermogenes Espero, at limang dating communist leader na tumutulong sa anti insurgency efforts ng pamahalaan.
Ang nasabing opisyal ng gobyerno ay lilikidahin umano ng sparrow unit ng CPP-NPA base pa sa ulat.
Ayon naman kay PNP Spokeperson Police Brig. General Bernard Banac, may sapat na security detail ang mga nasabing opisyal ng pamahalaan kaya malabo umanong malusutan ang seguridad ng mga ito.
“Dahil sila po ay ating matataas na pinuno sa ating security cluster.
hindi tayo nagpapabaya sa seguridad. Gayunman tayo po ay nagbibigay ng babala sa lahat ng gagawa ng karahasan ay mapapanagot sila sa batas”, pahayag ni Banac sa press briefing kahapon sa Camp Crame. (Edwin Balasa)