‘Kill rewards’ sa PNP ‘di puwedeng dedmahin

Seryosong alegas­yon at hindi dapat na ipagwalang bahala lamang ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y “kill rewards” sa mga pulis kapalit ng pagpatay sa mga drug suspects.

Ayon ito kay Senator Sherwin Gatchalian kaalinsunod sa alegasyong “kill rewards” at “staged crime scenes” ng mga pulis kapalit umano sa pagpatay ng mga drug suspects batay sa report ng Reuters.

Sa naturang special report ng Reuters, isa umanong retired intelligence officer at isang active commander ang nagbunyag sa ‘kill rewards’ subalit hindi nagpakilala ang mga ito.

Dahil dito, kinalampag ng senador si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa­ na alamin ang katotohanan ukol sa alegasyon.

Ayon kay Gatchalian, wala mang documentary­ evidence ang alegasyon, hindi pa rin ito dapat balewalain at itanggi na lamang ng PNP dahil integridad ng institusyon ang nakasalalay.

“While the charges lack documentary evidence, these cannot simply be swept under the rug with a blanket denial.­ The integrity of the institution and its officers is at stake. The PNP cannot and should not risk losing the trust of the public,” ayon kay Gatchalian.

Dapat umanong kumilos at gumawa ng aksiyon ang liderato ng PNP upang beripikahin ang alegasyon.

“The PNP leadership should take drastic measures to verify the allegations, and to hold liable erring policemen, no matter their positions in the hierarchy,” ayon pa kay Gat­chalian.