Inilabas na kahapon ng Quezon City Police (QCPD) ang CCTV footage na nakuha sa lugar kung saan napatay ang kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez noong madaling-araw ng Sabado, Agosto 10 at bumulaga rito (CCTV footage) na magkasama sa sasakyan ang biktima at pumaslang at ipinapalagay na magkakilala ang mga ito.

Ipinakita mismo sa mga mamahayag ni QCPD Acting Director Sr/Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar, ang CCTV footage na pag-aari ng isang residente sa Temple Drive, Brgy. Ugong Norte ng nasabing lungsod.

May kalabuan man ng konti ang kuha ng CCTV footage ay napatunayan umanong galing sa isang SUV ang biktimang si Ma. Aurora Fernandez­ Moynihan 45, ng 83 Ecology Village, Makati City, bago ito nakitang patay at may mga tama ng bala sa dibdib.

Kung dati umano ay palaisipan kung inihulog lang ang biktima bago pinagbabaril, sa CCTV footage ay malinaw na bumaba siya sa humintong SUV at ilang sandali lang may mga narinig na putok na baril, agad umalis ang sasakyan at nakita na ang duguan bangkay ni Moynihan na nakahandusay sa 8-Temple Drive kanto ng Giraffe St., Brgy. Ugong Norte, Quezon City.

Kaya malinaw din umano na ang mga salarin ay sakay ng SUV at kasama ng biktima sa sasak­yan, kaya ipinapalagay na kakilala ng biktima ang salarin.