Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturong suspek sa pagpatay sa 11-anyos na batang babae na natagpuan sa gilid ng creek sa Bauan, Batangas.

Naaresto noong Sabado si Mark Alvin Sajer, 27, laborer, nakatira umano malapit sa bahay ng biktima at isa din sa limang person­ of interest na iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya nagtutugma ang mga pahayag ng tatlong saksi na nagsabing hu­ling nakitang kasama ng biktima ang suspek noong Lunes.

Ang biktimang si Ma. Cristine Velerio ay natagpuang patay sa isang creek sa Brgy. Bolo matapos na mawala ito bago mag-Pasko matapos magpaalam na magkakaroling.

Base sa inisyal na impormasyon, ginilitan sa leeg, sinuntok sa dibdib at sinaksak sa likod ang biktima na siya nitong ikinamatay.

Pangagahasa ang tinitignang motibo sa krimen matapos matagpuan ang underwear ng bata 30 metro ang layo mula sa bangkay nito.

Sinampahan na ng kasong murder ang suspek. (Ronilo ­Dagos)