Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation 11 (NBI 11) at Criminal Investigation and Detection Group sa Davao City ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 60-anyos na magsasaka at itinuturo ring pumatay sa 16-anyos na binalatan ang mukha sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ng mga awtoridad ang inarestong si Jonas Martel Bueno sa bisa ng arrest warrant mula sa Danao City Regional Trial Court Branch 25 para sa kasong pagpatay sa magsasakang si Trinidad Batucan noong Enero 11.
Kapareho ng sinapit ni Christine Silawan, na natagpuang balat ang mukha at wala ang dila, lalamunan at trachea, binalatan din ang mukha ni Batucan at tinanggalan pa ng bahagi ng dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa koneksyon ng pagkamatay ni Batucan at Silawan.
Napaulat na miyembro umano ng kulto si Bueno. Nabatid na maging ang kapatid ni Bueno na sina Junrey at Juvy ay suspek sa kaso ng pagpatay kay Batucan ngunit napatay sa isinagawang follow-up operation noong Enero 13.