Nakakulong na ngayon ang lalaking suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa isang mag-asawa sa Barangay Cabuluan Norte, Oton, Iloilo kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Renato Casaria na sumuko kay Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center na agad namang dinala sa pulisya.

Ayon sa report, tumakas si Casaria matapos patayin sa saksak ang mag-asawang Woodrow at Junita Bechaida, residente rin ng nasabing lugar.

Sa pahayag ni Casaria, nagdilim ang kanyang paningin at naubusan na ng pasensya sa mga biktima dahil sa pakikialam umano sa kanilang buhay.

Sinasabing matagal nang may galit at hindi pagkakaunawaan ang suspek at mag-asawang Bechaida.