Killer ng mag-asawang matanda arestado

Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang masahista na matapos pagnakawan ay walang awa pang pinagsasaksak ang mag-asawang senior citizen sa Quezon City nitong Enero 29.

Ang suspek ay nakilalang si Melvin Manongdo, nasa hustong gulang.
Nakapiit ito ngayon sa QCPD headquarters habang inihahanda ang kasong Robbery with Homicide.

Si Manongdo ang sinasabing responsable sa pagnanakaw at pagpatay sa mag-asawang Leonardo Ollana, 69, at Nida Ollana, 63, ng 222 Maya St., Unit 5, Brgy. Commonwealth.

Nadakip ang suspek sa follow-up operation ng tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) sa Brgy. Ugad, Cabagan, Isabela.

Natunton ang suspek makaraang makakuha ng impormasyon ang pulisya na nagtago sa kanilang probinsya ang salarin.

Nabawi rin mula sa suspek ang green back pack na naglalaman ng assorted jewelry, relo, P2,300 cash, $800 US dollar, 30 dirham, assorted pouch at coin purse, kitchen knife, improvised knife, 2 ball cap, oppo cellphone na pag-aari ng mag-asawang matanda.

Magugunita na Enero 29, 2020 dakong alas-8:45 ng gabi nang ma­diskubre ang bangkay ng mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan.

Brutal ang ginawang pagpatay sa mag-asawa dahil 17 saksak ang ti­namo ni Erlinda habang 14 kay Leonardo.

May mga sugat din ang mag-asawa sa kanilang mga kamay, palantandaan na nanlaban sila sa salarin. (Dolly Cabreza)