Tuluyan ng binawian ng buhay ang baker na nasa comatose na kondisyon, matapos bumagok ang ulo nang suntukin ng barker na kanyang nakasagutan at nakasuntukan kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Nalagutan ng hininga kahapon ng ala-una ng madaling-araw sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) ang biktimang si Joey Francisco, 42, taga-336 Gasangan St. Tondo, Maynila habang tumakas naman ang suspek na nakilala sa alyas na ‘Mac-mac’, barker ng jeep, nasa edad 40-45, may taas na 5’7.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Vincent Barbosa II ng Manila Police District – Police Station 2 alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa may panulukan ng Ylaya at Padre Rada St.Tondo, Maynila.
Ayon kay Annaliza Dolenzo, kinakasama ng biktima, papasakay na sila ng jeep ng magkasagutan ang suspek at biktima hanggang magkasuntukan ang dalawa kung saan nakalusot ang kamao ng suspek sa panga ng biktima dahilan para bumagsak sa sementadong kalsada at humampas ang ulo.
Mabilis naman isinugod ni Dolenzo sa pagamutan ang biktima.