Killer-rapist iniyakan ng multo

Natakasan man ang krimen ay hindi naman matakasan ng suspek na pumatay at gumahasa sa kanyang hipag na supervisor ng Robinsons mall ang matinding konsensya dahil kahit sa pagtulog nito ay lagi umano niyang nakikita ang biktima at iniyakan pa siya nito.

Ito ang buong pagsisising pahayag ng suspek na si Aries Pascua, 31, cook, na matapos ang ilang araw na pagtatago sa Calauag, Quezon ay nagdesisyong lumuwas ng Maynila upang sumuko noong Oktubre 5 sa Criminal Investigation and Detection (CIDU) ng Quezon City Police District at inamin na siya ang pumatay at gumahasa sa kanyang hipag na si Sharon Agustin Morales, 36, supervisor sa Ro­binsons Supermarket na matatagpuan sa Timog, Quezon City.

“Kapag nakapikit na ako ay nakikita ko ang mukha ni Sharon na nanlilisik ang mga mata na nakatitig sa akin. Nu’ng sumunod na gabi naman habang nakapikit ako ay nakakarinig ako ng iyak na parang hagulgol at palahaw ng isang babae na humihingi ng tulong,” parang tila takot na pahayag ni Pascua.

Abot-langit umano ang pagsisisi niya at hu­mingi ng kapatawaran ang suspek sa kanyang hipag na si Morales matapos niyang patayin ito sa bugbog at sakal saka ginahasa at isiniksik ang bangkay nito sa ilalim ng kama upang itago ang krimen.

“Siniguro ko pong patay na siya bago ko iwanan para hindi siya makapagsumbong sa pulisya. Sinamantala ko ang kanyang kalasingan dahil matagal ko na siyang kursunada kahit noong nagsasama pa sila ng kapatid ko,” pahayag pa ng suspek.

Dagdag nito, gusto na rin niyang matahimik ang kaluluwa ng kanyang hipag at tantanan na siya nito sa kanyang konsensya kaya siya nagdesisyong sumuko at aminin ang krimen.

Magugunitang natagpuang naaagnas na katawan ni Morales, sa ilalim ng kama sa nirerentahang apartment sa Maya St., Unit 5, Bgy. Commonwealth, ng kanyang biyenan na si Esperanza, 50, dakong alas-12:50 ng tanghali, noong Setyembre 29, 2017.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Quezon City Police District (QCPD) detention cell habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.