KILLER SUMALISI SA SINGING CONTEST

Naliligo sa sariling dugo at may mga tama ng bala sa katawan ang isang parking boy matapos barilin ng hindi nakikilalang suspek sa kasagsagan ng isang singing contest sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPO2 John Charles Duran, imbestigador ng Manila ­Police ­District-Homicide ­Section ang biktimang si Anthony ­Villanueva, 41-anyos, parking boy at residente ng 5540 Sulu Street, Sta. Cruz, Maynila na nasawi dahil sa limang tama ng bala sa iba’t ibang ­bahagi ng katawan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alamang naganap umano ang pagbaril sa biktima habang abalang-abala ang mga residente kabilang ang biktima sa panonood ng singing contest dakong alas-10:55 ng gabi sa 2523 P. Guevarra Street sa Sta. Cruz.

Narinig na ­lamang umano ng mga manonood ng singing contest ang mga putok ng baril pero dahil abala sa panonood ay hindi nila ito pinansin.

Nabatid na si Kagawad Boy Magat ng Barangay 367, Zone 3, ang nakapansin sa duguang biktima at wala ng buhay kaya’t kaagad itong ini-report sa pulisya.

Nakakita naman ng mga bakas ng dugo ang mga pulis patungo sa barung-barong ng biktima na nagresulta sa pagkakadiskubre nila ng tatlong plastic sachet ng shabu at dalawang basyo ng kalibre .9mm na baril.

Patuloy naman iniimbestigahan ng pulisya ang insidente para alamin kung sino ang nasa likod ng krimen.