Kapahamakan o sa diretsong kamatayan ang maaaring kabagsakan ng walang puknat na tagayan, kapag hindi inilagay sa tiyan ang nakalalasing na inumin.
Ganito ang inabot ng 28-anyos na binata sa kamay ng kanyang dabarkads sa Brgy. Bagumbayan, Llanera, Nueva Ecija kamakailan matapos patumbahin ang ilang bote ng inumin.
Batay sa ulat ni P/Sr. Inspector Jonathan Romero sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Antonio Yarra, Nueva Ecija Police Director, nakilala ang nasawi na si June Dagdag Marquez, 28, residente sa naturang lugar na napatay sa pamamagitan ng suntok.
Nauna rito ay napag-alamang nakipag-inuman ang biktima sa bahay ng kaibigang si Marlon Baltazar sa Barangay Bagumbayan kasama ang suspek na si Jerry Cachuero Morales, 23-anyos, ng Brgy. Abebeg, Carranglan, Nueva Ecija.
Bandang alas-nuwebe ng gabi nang matapos ang inuman ay magkasabay na umalis ang dalawa sa bahay ni Baltazar.
Kinaumagahan ay natagpuan ng Bantay Bayan na si Carlito Ballesteros Siblag ang nakahandusay na bangkay ng biktima.
Agarang ipinabatid ng Bantay Bayan kay Bagumbayan Brgy. Captain Crispin Avila ang insidente na siya namang nagbigay-alam sa pulisya.
Inilatag agad ang follow-up operation nina Sr. Inspector Romero na nagresulta sa pagkakaaresto kay Morales sa Bgy. Tulat, San Jose City, Nueva Ecija.
Sumailalim sa tactical interrogation ang suspek at inaming napatay niya ang kaibigan sa pamamagitan ng isang nakamamatay na suntok na dala umano ng kalasingan.