Makaraan ang tatlong taon matapos ang brutal na pagkamatay ng misis at 1-anyos na anak, bagsak sa kulungan ang mister na sinasabing mastermid sa krimen.

Ang ama ng tahanan na si Ricardo Sta. Ana ay inaresto noong Biyernes nang hapon ng mga tauhan ng Sta. Rosa City, Laguna police station sa Bonifacio Global City sa Taguig City, sa bisa ng warrant of arrest mula sa San Pablo City Regional Trial Court.

Naniniwala ang mga awtoridad na si Sta. Ana ang nag-utos sa dalawang hired killers para patayin ang mag-ina nitong sina Pearl at Denzel, 1-anyos, sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Rosa City na walang awang pinagmamartilyo hanggang sa mamatay noong 2016.

Noong taon ding ‘yun, dinismis ng Department of Justice ang unang kasong isinampa laban kay Sta. Ana dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.

Subalit muling umusad ang kaso nang maaresto ng mga awtoridad ang umano ay ikalawang hired killer na si Bryan Avistado, na katulad ng unang suspek na si Ramoncito Gallo ay itinuro din si Sta. Ana na siyang nagbigay sa kanila ng P60,000 at cellphone para i-video ang pagpatay sa mag-ina.

Samantala, na-recover din ng NBI Laguna ang CCTV footage kung saan nakita si Sta. Ana at dalawang hired killer na nag-uusap sa fastfood restaurant sa Alabang isang oras matapos ang krimen. (Ronilo Dagos/Armida Rico)