Todas ang isa sa dalawang lalaking ‘riding in tandem’ matapos umanong manlaban sa mga nanitang tauhan ng Manila Police District (MPD) Police Station 4, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni SPO2 John Charles Duran, imbestigador ng MPD-Homicide Section, ang suspek na si Michael Samudio, tinatayang nasa edad 42-47, may taas ng 5’3, at residente ng 1258 San Andres, Malate, Maynila habang nakatakas ang isa nitong kasamang driver ng motorsiklong kanilang sinakyan.
Alas-dos ng madaling-araw nang mangyari sa may PNR railroad track ang insidente na katapat ng West Vigan, Sampaloc, Maynila.
Nakatanggap diumano ng text message si Police Senior Insp. Dondon Maribay na nasa lugar umano ang dalawang suspek na sangkot sa serye ng patayan sa lugar kaya agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Gulod Police Community Precinct para berepikahin ang sumbong at nang makita ang dalawang suspek, sinita ito ng mga pulis.
Akmang lalapitan ang dalawa nang bumunot umano ng baril si Samudio at nagpaputok kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad at bumulagta ang suspek habang nakatakas ang kasapakat nito.