Mariing kinondena ng tatlong senador ang pagpatay kay University of Science and Technology of Southern Philippines president Dr. Ricardo Roturas kasabay ng pagkalampag sa Philippine National Police (PNP) na tugisin ang mga suspek.

Si Roturas ay presidente rin ng Philippine Association of State Universities and Colleges.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na nakababahala ang pagpaslang sa isang tapat sa serbisyo publiko at dapat itong agad na resolbahin.

“I am alarmed and outraged by this latest attack on our law abiding and dedicated public servants,” sabi ni Pimentel, na tubong-Cagayan de Oro.

“I urge the police to work double time to arrest the killers and unmask the mastermind.

The police must do its job to protect and secure the people against rogue elements of society,” dagdag pa ng senador.

Para naman kay Senador Francis Escudero, hindi katanggap-tanggap at nakakagalit ang ginawang pagpatay kay Roturas.

Nanawagan din ang senador sa PNP na magdoble-kilos upang maiharap sa hustisya ang mga pumatay sa biktima.

Nakiisa rin sa pakikidalamhati at pagkondena sa sinapit ng university president si Senador Francis Pangilinan.

Si Roturas ay pinagbabaril ng dalawang lalaki sa tapat ng kanyang bahay sa isang exclusive subdivision sa Cagayan de Oro City noong Linggo ng umaga.