PATULOY na pinapatunayan nina ­Gabriel (Gerald Anderson) at ­Bianca (Kim Chiu) ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa sa kabila ng pagsubok sa kanilang karera at pagmamahalan sa Kapamilya morning series na Ikaw Lang ang Iibigin.

Nag-iipon na ang binata para sa kanilang pag-iisang dibdib matapos ma­ngakong pakakasalan ang kanyang nobya kahit hindi na top triathletes ng bansa ang magkasintahan.

Tinalikuran ni Bianca ang pagiging ­endorser ng Tiger Shark nang papiliin ito ni Carlos (Jake Cuenca), patunay na mas matimbang sa dalaga ang pag-ibig kaysa sa pera.

Patuloy ang pagpupursige ni Bianca dahil naghanap siya ng marangal na trabaho upang may maipantustos sa pamilya.

Nananatiling sandigan nina Gabriel at Bianca ang isa’t isa kahit na patuloy pa rin silang hinahabol ng problema.

Hindi tinitigilan ni Isabel (Coleen Garcia) si Bianca matapos isiwalat ng huli ang ilegal na transaction ni Isabel.

Malampasan kaya nina ­Gabriel at Bianca ang mga pagsubok? Matupad pa kaya nila ang kanilang mga pangarap nang magkasama?