Nagdaos na ng kanyang solo fan meeting si Yoon Ji Sung. Siya ay dating miyembro ng disbanded na South Korean boy group na Wanna One.

Halos lahat sa 11 members nito ay nagsisimula na sa kanilang solo career. Katulad nga ni Ji Sung na nag-release na ng una niyang EP noong February 20 na “Aside.” Bago ang EP niya, nagkaroon din ng successful fan meeting sa Seoul.

Kasunod nito, nag-announce na rin si Ji Sung ng Asia’s 1st Fan Meeting Tour niya tulad sa Macau, Singapore, Malaysia, Japan at Thailand.

Pero, marami ang nagulat sa naging fan meeting ni Ji Sung sa Seoul. Isa sa nagbigay ng suporta ay ang dating ka-miyembro niya sa Wanna One na si Kim Jae Hwan.

Nakapagtataka ang sinapit ni Jae Hwan sa diumano’y mga fan ni Ji Sung. Nakuhanan nga ang ginawa ng ilang fan sa singer. Minumura nila ito nang lumabas sa stage.

‘Yung iba, talagang isinisigaw na umalis na raw si Jae Hwan, obviously, hindi sila natuwa na makita ito sa event. Hindi naman binigyang-pansin ni Jae Hwan ang ilang fans na minumura siya at pinapaalis habang nasa stage.

Hindi malinaw kung bakit ginawa ng mga fan ‘yun kay Jae Hwan at ano ang pinagmumulan ng galit nila rito. Pero base sa mga nabasa naming komento ng netizens, kinondena rin ng mga ito ang ginawang kabastusan.

May mga nagsabi na hindi raw dapat tawagin ng mga ito ang sariling “true fan” dahil sa pambabastos na ginawa. At posible rin daw na nahihiya si Ji Sung sa ginawa ng so-called fans niya sa kaibigang nagbigay na nga ng suporta sa kanya.

Anyway, dahil ba solo-solo na ang Wanna One, nagsisimula na ang mga fan na magkaroon ng kumpetisyon?