Kim nawalan sa sex symbol

NI:VINIA VIVAR

Sa unang Youtube vlog niya, na-share ng Kapuso star na si Kim Domingo na hindi naging madali ang desisyon niyang ihinto ang kanyang sexy image.

Aniya ay hindi niya ito binigla at inunti-unti niya. Sinimulan niya raw muna sa hindi pagpo-post sa social media ng mga sexy photos.

“’Yung pananamit, hindi na masyadong revealing ang mga damit ko. Kahit sa mga taping ko nu’n,” sey niya.

“Naisip ko kasi, parang hindi na ako masaya sa ganu’n, parang hindi na ako happy na ‘yung mga tao, ‘yun na ‘yung tingin sa akin, eh,” patuloy niya.

Nagkaroon din daw siya ng realization nang magkaroon siya ng mga batang fans nang gawin niya ang teleseryeng Super Mom. Masarap daw pala sa pakiramdam na may mga batang nakaka-appreciate sa kanya at hindi puro kalalakihan lang.

Pero aminado naman siyang talagang naging matunog ang name niya nang magsimula siya sa showbiz na nagpapa-sexy.

“’Yung mga dating humahanga sa akin, sumusuporta noong time na hubadera ako, ang dami nila! As in, ang tunog ng pangalang Kim Domingo, pantasya ng bayan. Hindi sa pagmamayabang, pero pumutok talaga ‘yung pangalang Kim Domingo noong nagpa-sexy ako.

“Maraming nawala pero ang hindi n’yo alam maraming pumalit doon sa mga nawala. Mas maraming taong nagmamahal sa akin ngayon. May mga nawala pero may mga pumalit,” aniya.

Kuwento pa ni Kim, masaya siya dahil alam niyang ang fans niya ngayon ay nirerespeto siya.

“Ang daming taong mas nakaka-appreciate ngayon sa akin. Doon ako nagti-thank you. Ganito pala yung lasa ng nirerespeto ka. Mas masarap siya kesa doon sa mga ‘Ang sexy mo, ang hot mo!’” sey niya.

Nilinaw naman ng aktres na hindi siya tutol sa mga nagpapa-sexy. “Hindi ako against sa nagpapa-sexy kasi nanggaling ako diyan e. Sino ako para manghusga. Masayang masaya ako. Gusto kong malaman ninyo na masayang masaya ako doon. I’m free!” (VINIA VIVAR)