Naging matagumpay ang Star Magic’s All-Star Games na ginanap sa Big Dome (Araneta ­Coliseum) last Sunday, August 25. Ang ­volleyball team na ­pinamunuan ni Kim Chiu ay tinalo ang team ni Julia Barretto. Nanalo naman ang Team Gerald (Anderson) at Daniel Padilla over sa Team ni Vice Ganda ng “It’s Showtime”. Nanalo rin ang Team Jerome (Ponce) sa basketball over sa team ni Elmo Magalona.

Isinantabi muna nina Gerald at Julia ang ­kontrobersiyang kinaharap. Ipinakita ang kanilang professionalism sa pamamagitan­ ng pamumuno ng kanilang respective teams in basketball at volleyball.

Dumating din sina Kathryn Bernardo at Xian Lim para suportahan ang magkahiwalay na team nina Daniel (sa ­basketball) at Kim (sa volleyball).

Samantala, kahit sinabi ni Ion ‘Mr. Escort’ Perez na ­magkaibigan lamang sila ni Vice Ganda, agaw-eksena pa rin silang dalawa nang lapitan at yakapin ng huli ang una matapos itong maka-score ng three points. Kinuyog naman si Ryan Bang ng kanyang mga kasamahan sa “It’s Showtime” team matapos siyang hubaran ng mga ito ng kanyang suot na t-shirt.

Nasugatan naman sa may kanang kilay si Zanjoe ­Marudo sa banggaan nila sa basketball ni Eric Tai ng “It’s Showtime” team.

Si Gerald ang tinanghal na Most Valuable Player. His team scored 119 laban sa “It’s Showtime” team na ­nakakuha lamang ng 109 points.

Kasama sa Team Gerald and Daniel sina Zanjoe Marudo, JC de Vera, Ejay Falcon, Donny Pangilinan, Joseph Marco at iba pa.

Benjamin, Chelsea nagpakaligaya sa Japan

It was only last November nang magkahiwalay ang ­dating magkasintahang Julie Anne San Jose at ­Benjamin Alves. Pero ang huli’y agad nakahanap ng kapalit sa katauhan ng modelong si Chelsea Robato.

Sina Benjamin at Chelsea ay kamakailan lamang nagbakasyon­ sa Japan.

Samantala, mas gusto muna ni Julie Anne na mag-focus sa kanyang singing and acting career. Hindi pa siya umano handa na muling makatrabaho ang dating nobyo.
***

Mona Lisa 1st Pinay actress
na nagsuot ng bathing suit

Muling nagluluksa ang industriya ng pelikulang ­Pilipino sa pagpanaw ng award-winning veteran actress na si Mona Lisa (Gloria Lerma Yatco sa ­tunay na buhay).

Ang screen name ni Mona Lisa ay nagmula sa famous Italian painting ni Leonardo da Vinci.

Bago at pagkatapos ng World War II ay gamit ni Gloria ang screen name na Fleur de Lis na pinalitan ng Mona Lisa. Isa siya sa mga stars ng 1930s and 1940s pero muli siyang bumalik nu’ng dedada sitenta na kanyang ipinagpatuloy hanggang taong 2005.

Si Mona Lisa ay nagsimula sa kanyang career sa bakuran ng LVN Pictures. Ilan sa mga pelikulang kanyang nagawa ay ang “Giliw Ko” kung saan niya katambal si Ely Ramos kasama ang kauna-unahang leading-lady ng LVN na si Mila del Sol at Fernando Poe, Sr. Ito’y dinirek ni Calos Vander Tolosa.
Gumawa ng kasaysayan si Mona Lisa na siyang ­kauna-unahang Filipina actress na nagsuot ng bathing suit sa pelikula.

Napangasawa ni Mona Lisa si Leonardo Guinto.

Kasalukuyang nakaburol ang mga labi ni Mona Lisa sa Loyola Memorial Chapels 1 & 2 sa Sucat, Parañaque. Siya’y nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan sa ­darating na Biyernes, August 30, sa ganap na alas-3:00 ng hapon.