KimXi level-up ang tikiman

KimXi level-up ang tikiman

Ni Vinia Vivar

After three years ay nagbabalik sa telebisyon ang tambalang Kim Chiu at Xian Lim (KimXi) sa seryeng “Love Thy Woman” ng Dreamscape Entertainment na tumatalakay sa isang modern Chinese family. Last year pa nila ito sinimulang gawin and finally ay ipalalabas na simula sa Feb. 10.

Dahil nga 75% Chinese si Kim, sobrang naka-relate siya sa kanyang papel bilang si Jia na pangalawang pamilya ng kanyang amang si Adam Wong na ginagampanan ni Christopher de Leon. Paulit-ulit nga niyang sinasabi sa presscon na ginanap last Friday na mapapanood sa serye ang totoong nangyayari sa isang modern Chinese family partikular na ang pagkakaroon ng maraming pamilya ng padre de familia.

Since KimXi’s last teleserye na “The Story of Us”, ibang level na raw sila rito sa LTW. Marami silang ipapakitang bago. Pati roles nila ay nag-level-up na rin sa maturity dahil sa trailer pa lang ay makikita nang mai-involve ang karakter ni Kim sa isang married man na ginagampanan nga ni Xian.

“Walang kukurap. Araw-araw may pasabog kami,” sabi ni Kim.

“Definitely, something new ang mapapanood nila,” sambit naman ni Xian.

Pati nga raw sa love scenes ay level-up sila rito kaya dapat daw talagang abangan.

Dahil nga “Love Thy Woman” ang title ng serye ay natanong ang male cast kung paano nila mahalin ang isang babae at ang female cast naman ay natanong kung paano nila gustong mahalin ng isang lalaki.

“Handle with care, treat her with respect and always communicate. Never let a day go by without settling or without fixing your problem,” sagot ni Xian.

Ayon naman kay Kim, nakita rin naman daw ng lahat ang mga naging love life siya at marami raw siyang natutunan along the way.

“I’m very proud sa kung saan ako nakatungtong ngayon dahil naging strong, naging mas independent at mas in control ako sa feelings ko,” ani Kim sabay-tanong kay Xian, “‘di ba?” Natawa naman ang aktor.

“Parang hinanda ako as years passed by, so parang nagsimula ako sa mababa, sa wala akong confidence hanggang sa naging strong. Parang kaya ko naman pala ‘pag ako mag-isa. Masaya naman pala. Hindi naman masamang maging ikaw lang at ikaw ang happiness mo.

“Pero mas masaya kapag may ka-share ka ng happiness. So I am very happy and gusto ko ‘yung kinakausap ako. Kasi, ako, madaldal ako. Shock absorber ko siya (Xian),” sabi pa ni Kim.

Gusto rin daw niya ng space paminsan-minsan at ayaw din daw niya ng clingy guy.

“Mahalin mo muna ang sarili mo bago ka magmahal ng iba para alam mo kung ano ang ibig sabihin ng love and self-respect and respect for another,” sey pa ni Chinita Princess.

Xian gutumin

Madalas magbiyahe abroad sina Kim at Xian at ito talaga ang nagsisilbing bonding nila together. Aminado naman ang dalawa na malaking tulong din ito sa relasyon nila dahil mas nakikilala nila ang isa’t isa.

“Doon mo rin makikilala ang tao, makikita mo ang patience niya, ‘yung mga mannerisms and all the things that you really don’t get to see kapag nasa comfort zone lang kayo,” sabi ni Xian.

Marami na rin silang countries na napuntahan pero marami pa rin daw silang hindi napupuntahan.

When asked kung sino ang mas patient sa kanila, sabay nilang sagot, “ako!”

Ulit ni Kim, “ako. Gutumin ‘to (Xian), eh. ‘Pag hindi siya pinapakain, lumalabas na ‘yung ano niya.”

At dahil malapit na ang Valentine’s Day ay natanong din sa kanila kung ano ang plano nila at sey nila ay wala pa raw. Pero siyempre, knowing Xian na lagi na lang may surprise kay Kim every Valentine’s Day, for sure ay hihintayin ng kanilang mga fans kung ano na naman ang pasabog ng aktor.

Ayaw makiuso sa kasalan

Dahil parte rin ng Chinese culture ang arranged marriage, natanong namin si Kim kung nagkaroon ba ng ganitong plano sa kanya ang mga oldies niya nu’ng bata pa siya.

Ayon sa aktres ay normal talaga sa Chinese ang arranged marriage pero sa mayayamang Chinese lang daw ‘yun.

“Arranged marriage, kasali naman talaga ‘yun sa Chinese, pero ako, lumaki po ako sa lola ko na hindi naman siya sobrang yaman. Wala siguro siyang karapatan na mag-arranged marriage.

“Pero ‘yung lola ko, naka-arranged marriage siya, eh. Pero sinabi niya na ‘yung apo, anak, hindi na niya gagawin,” pahayag ni Kim.

And speaking of marriage, sila ba ay wala pang plano lalo na’t uso ngayon sa mga celebrities ang engagement and weddings?

“Ay bata pa kami, mga matatanda na ‘yung nagkakasal. Tanda talaga? Mas elder sa amin,” sambit niya.

Napag-uusapan na ba nila ang tungkol dito?

“Hindi naman. Gusto pa naming mag-travel,” sey ni Kim.

Agree naman ni Xian.

When asked kung kailan ba nila nakikita ang sarili nila na ikasal, ani Kim, “huwag na muna nating unahan. Dito muna tayo, ‘Love Thy Woman.’”

Walang sapawan

Dahil bigating mga artista ang co-stars ng KimXi sa “LTW” tulad nina Christopher de Leon, Zsa Zsa Padilla, Eula Valdez, Yam Concepcion at Ruffa Gutierrez, natanong din ang cast kung paano nila maiiwasan ang magsapawan sa mga eksena.

Ayon kay Kim, in fairness ay sobrang generous daw ng mga co-actor nila rito but still, dapat daw ay lagi pa rin silang handa.

“Kasi ‘pag pumunta ka ng set, lahat, naka-‘game face.’ Shucks, huwag ka magpaiwan, kapit Kim, ganu’n,” natatawang sabi ng aktres.

“Dapat aral mo lahat ng gagawin, dapat, makinig ka sa blocking. Dahil diyan, hindi ka masasapawan. Makaka-ride on ka sa journey ng scene.

“Dapat ready ka, kasi kung hindi ka ready, maiiwan ka, sapaw na sapaw, wala na. Hindi naman sapaw, pero maiiwan ka.

“Sobrang intense nilang lahat and sobrang alert ng lahat ng actors,” pahayag ni Kim.

Pinuri naman ni direk Jerry Lopez Sineneng kung paano talaga kinakarir ni Kim ang kanyang mga eksena. Inililista pa raw ng aktres ang mga emotions nito sa bawat eksena.

“Inaaral ni Kim. Nakasulat. Guided na guided. Nakagay ‘yung emotions sa pinanggalingan, sa 10 sequences before, 10 sequences after. Sobrang laking tulong. Kaya ‘pag napanood n’yo po ‘yung soap, ibang Kim po ang mapapanood n’yo dito. Sobra niyang pinaghandaan,” papuri ni direk Jerry.