KimXi lumebel sa tatag ng KathNiel, LizQuen

Finally ay ipalalabas na ang teleseryeng “Love Thy Woman” na comeback teleserye nina Kim Chiu at Xian Lim na matatandaang last year pa nila sinimulang gawin.

Nagkaroon na ng grand presscon kahapon ang serye na dinaluhan ng KimXi love team at mga bigating supporting cast na sina Yam Concepcion, Christopher de Leon, Eula Valdez, Ruffa Gutierrez, Zsa Zsa Padilla, Sunshine Cruz at mga direktor na sina Andoy Ranay and Jerry Lopez Sineneng.

Ayon kina Kim at Xian ay sobrang na-miss nilang katrabaho ang isa’t isa dahil nga medyo matagal-tagal na rin ang huling teleserye nilang “The Story of Us”.

Bukod sa reunion project nila ito, ito rin ang first serye nila simula nang aminin nila ang kanilang relasyon noong 2018. When asked kung may ipinagbago ba ang kanilang working relationship ngayong open na sila, ayon kay Chinita Princess ay same pa rin naman daw at wala namang nabago.

Ayon naman kay Xian, kapag sila lang dalawa ni Kim, hangga’t maaari ay hindi sila nag-uusap tungkol sa trabaho.

“We try to stay away from that, kung ano ang ginagawa namin as Kim and Xian, kung nasa trabaho kami, iba rin po ‘yun, but definitely, na-miss namin ang isa’t isa, nu’ng nagkasama na kami sa eksena the very first time,” ani Kim.

Ayaw i-reveal ng dalawa kung gaano na katagal ang relasyon nila at aniya ay ‘yun na lang daw sana ang itira para sa kanila. Pero sa tantiya namin ay medyo matagal-tagal na rin.

Kaya nga ang tawag ngayon sa kanila ng mga netizen nang pumutok ang hiwalayang James Reid at Nadine Lustre ay sila na lang daw ang nananatiling matatag along with KathNiel and LizQuen.

Ano ang reaksyon dito ng KimXi?

“We respect each other as a person, individual, saka ‘yung oras namin, inirerespeto rin namin. And ‘yun, wala naman sigurong problema kung doon mo simulan ang lahat,” sey ni Kim.

Natanong naman si Xian kung ano ang payong puwede niyang ibigay sa mga love team and relationship na nagkakahiwalay.

“I think, ‘yun nga, it’s just ‘yung trust, and respeto for one another and letting each other grow, separately or together,” he said.

Dagdag pa ni Xian, bilang artist din ay hinahayaan din niyang mag-grow ang girlfriend.

“Kung baga, si Kim, she has the freedom to do everything she wants as an artist and she also gives me the freedom to do whatever it is I feel like I need to do. So, I think, doon, naggo-grow kami together. Hindi namin hinahawakan sa leeg ang isa’t isa. That’s one of the secrets,” sabi ni Xian.

Natanong din ang KimXi sa kanilang opinyon sa franchise renewal issue ng ABS-CBN, ani Kim ay wala naman daw silang call doon.

“Masaya kami na ‘yun, may ‘Love Thy Woman’ and ipalalabas na siya after ‘Showtime’, sobrang lucky and blessed,” she said.

Magsisimula na ngayong Feb. 10 ang “Love Thy Woman” sa Kapamilya Gold.

Francine pinaglalaban ang same sex union

Ang transwoman na si Francine Garcia ang bibida ngayong Sabado ng hapon pagkatapos ng “It’s Showtime” sa “Ipaglaban Mo”. Ito rin ang first project niya sa ABS-CBN since dati siyang Kapuso bilang produkto ng Super Sireyna (grand winner) ng “Eat Bulaga” noong 2013.

Pinamagatang “Babae Po Ako”, ginagampanan ni Francine ang papel na isang transwoman din na ipaglalaban ang kanyang karapatan bilang miyembro ng LGBTQ community.

Ayon kay Francine, very flattering para sa kanya to be offered this kind of role.

“When I read the script, and while I’m doing that, parang it really mirrors how we do our lives everyday. So, parang naka-relate rin talaga ako, and I’m pretty sure na makaka-relate rin talaga halos lahat ng trans.

“Kasi, hindi lang naman ‘to basta gay story, hindi siya lesbian story, it’s about us, it’s about trans,” pahayag ni Francine sa kanyang panayam sa Kapamilya Chat Online.

When asked kung tuloy-tuloy na ba siya bilang Kapamilya, ani Francine ay sana naman sabay-biro ng “tinatawagan ko po ang mga bosses, beke nemen.”

Sa seryosong usapan ay natanong si Francine kung ano ang opinyon niya sa same sex marriage.

Si Francine ang unang sumagot.

“I think, it’s safe to say that the LGBT community is pushing for the same sex union, which will give both parties the privilege sa heterosexual marriage ng if ever maghiwalay, if ever may mangyari sa partner niya, you both have 50-50 share at saka magkakaroon ka ng legal rights with everything na napundar ninyo together.

“So, ‘yun lang din naman ang inaano namin, parang more on legalities, kasi maraming cases na naghiwalay. So, kanino mapupunta ‘yung kanino?” pahayag ni Francine.

Kaya sana naman daw ay mapagbigyan ang kanilang hinihiling.

“Sana naman ay mas maging open ang legislative part ng government natin, when it comes to their hearts, para mabigyan naman ng chance. Because hindi naman awa ang kailangan namin, pang-unawa,” sey pa ni Francine.

Sa “Babae Po Ako” episode ay kasama rin ni Francine si Mark Manicad na gaganap na fiancé niya, Robert Seña, Isay Alvarez at marami pang iba mula sa direksyon ni Chiqui Lacsamana.