Sugatan ang isang obrero nang undayan ito ng saksak ng isang lalaki na kaibigan ng kanyang inutungan ng P50, makaraang mabigo itong makaba­yad sa ipinangakong araw, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Ricky Ferrer, 31, binata, construction worker, at residente ng Building 15, Aroma Compound, Tondo, Manila.

Habang pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Al Ong, nasa hustong gulang, at residente ng Aroma Compound, Brgy. 105, Tondo, Maynila.

Sa ulat Police Supt. Redentor Ulsano, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, naganap ang pana­naksak dakong alas-12:20 ng tanghali sa harapan ng Building 15, Aroma Compound, Brgy. 105, Tondo, Manila.

Ayon sa biktima, bago ang insidente ay na­ngutang siya ng P50 sa kanyang kapitbahay na si alyas Dodong ngunit nabi­go siyang bayaran ito sa takdang araw na ipina­ngako niya.

Dahil dito, kinumpronta umano siya ni Ong, na malapit na kaibigan ni Dodong, na nauwi sa mainitang pagtatalo at pananaksak.

Sa kabila na may ilang tama ng saksak sa katawan ang tinamo ng biktima ay nagawa pa rin niyang isugod ang sarili sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital upang magpagamot at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.