Kinaladkad ng trak; mag-ina patay, 9 sugatan

Nasawi ang isang 17-anyos na ina at 3 buwan nitong sanggol habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan nang mawalan ng preno ang 10-wheeler truck na may kargang backhoe at araruhin ang tatlong sasakyan at isang tindahan­ sa Quirino Highway sakop ng Bara­ngay Sto. Cristo, San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang nasa­wing mag-ina sina Michelle Ramos, 17-anyos at anak na si Matthew Banguit, na nadaganan ng truck habang dinala naman ang mga sugatang biktima.

Nakapiit naman ang drayber ng truck na si Eliazar Lumawag na nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso.

Ala-1:44 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente habang bumabagtas sa Quirino Highway ang truck na may kargang backhoe at minamaneho ni Lumawag. Sinasabing nawalan ito ng kontrol sa preno kaya kinaladkad nito ang tatlong sasakyan at tindahan kung saan nagtitinda ng pakwan ang biktima karga ang kanyang baby. (Jun Borlongan)