Kinalampag sa Bulacan irrigation

Nangangamba ang maraming magsasaka sa Bulacan na hindi sila makakapagtanim ng palay dahil wala pang tubig mula sa ­National Irrigation Administration (NIA).

Ayon kay 54-anyos na si Ka Tonyo, ­inabisuhan sila na Enero 15 ay ­magkakaroon ng patubig para sa kanilang mga itatanim na palay pero hindi ito duma­ting. Ang ­sumunod na abiso ay sa Enero 20 na ­hindi rin ­dumating at ang huli ay sa ­katapusan na raw ng Enero ngunit hanggang ngayon ay wala pa.

“Baka hindi na kami makapagtanim ngayon. E, walang tubig,” sabi niya.

Hindi malinaw sa mga magsasaka sa lugar kung bakit wala pa silang patubig. ­Nabatid na may ­inaayos kasi na riprap sa daanan ng tubig na hindi malinaw kung kaninong proyekto.

Nang puntahn ng Abante Tonite ang lugar, sinabi ng isang manggagawa na proyekto ng ­Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang ­ginagawa ngunit ayon sa kontraktor ay para ­lamang sa tulay na malapit sa ­patubig ang kanilang ginagawa at iba raw ang ­kontraktor na gumagawa sa riprap.

Walang karatula sa lugar kung anong ahensiya ng gobyerno ang ­nagkukumpuni sa patubig sa Bulacan na nagsasabi kung magkano ang proyekto, sino ang kontraktor, at kung kailan ito dapat matapos.

Dahil hindi malinaw kung kanino ang ­proyekto, maraming kumakalat na hakahaka sa mga ­magsasaka. Ayon sa isa, sinabihan daw siya na proyekto ng Maynilad ang ginagawa sa lugar na itinanggi naman ng ­kompanya dahil wala silang proyekto doon. ­Obserbasyon naman ng iba, nagsimula ang pagpapagawa ng riprap sa lugar malapit sa Lumina Homes na pag-aari ng pamilya nina Senador Cynthia Villar at anak niyang si DPWH secretary Mark Villar.

At hindi rin kaila sa marami na ­iniisa-isa na ng mga Villar kuhanin ang kontrol ng mga water ­district sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa Bulacan, ­nakuha ng PrimeWater ng mga Villar ang water district ng ­Malolos, Meycauayan, Marilao, at San Jose Del ­Monte. Sa website ng Primewater, pinagmama­laki pa nito na ito ang nagpapalakad ng ­tubig sa 124 na ­lungsod at bayan sa ­bansa at makikita ito sa 16 na ­rehiyon at 36 na probinsya.

Sa abiso ng Bulacan-Aurora-Nueva ­Ecija Irrigation Management Office (­BANE-IMO) ng National Irrigation Administration (NIA) noong ika-9 ng Enero, 2020, hindi sila ­binigyan ng kanilang hinihinging 30 cms na tubig ng National Water Resources Board dahil sa mababa ang tubig sa Angat. (Eileen Mencias)