Nasawi ang isang sidecar boy nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagpapahinga sa loob ng kanyang pedicab sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Ronald Martinez, alias ‘Tisoy’, 33, at residente ng 309 Romana St., Tondo na nasawi bunsod ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Base sa report ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-9:14 ng gabi nang maganap ang krimen sa J.P. Rizal Street, malapit sa kanto ng Simoun Street sa Tondo.
Sa imbestigasyon, mag-isa umanong nakaupo sa kanyang pedicab ang biktima nang bigla na lang sumulpot mula sa kanyang likuran ang dalawang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Tinangka pang habulin ng ilang residente ang mga suspek ngunit nabigo itong maabutan.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.