Nanindigan si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi nito lalagdaan ang panukalang 2019 national budget kung makikita nitong may binago sa inaprubahan nila sa bicameral conference committee.

Sinabi ni Sotto na nagpulong sila nina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, Senador Loren Legarda at Senate Minority Leader Franklin Drilon at nagkasundo na hindi nila maaaring pirmahan ang bersyon ng panukala kung makikita nilang may pagbabago dito.

“Hindi magkakaroon ng delay, (bagkus) hindi mata-transmit kung hindi ako pipirma,” saad ni Sotto.

Nangangahulugan aniya ito na kung walang aaprubahang bagong batas para sa 2019 national budget ay tuloy ang paggamit ng 2018 General Appropriations Act o reenacted ang pondo.

Nauna rito ay isiniwalat ni Lacson na niretoke pa ng Kamara ang panukalang budget kahit inaprobahan na ito ng bicameral conference committee, pero itinanggi naman ito ni House committee on appropriations chairman Rolando Andaya Jr. (Dang Samson-Garcia)