LAST PART
   ALAB NAG-ALAB SA ABL

Tinuldukan ng San Miguel Alab Pilipinas ang may tatlong taong tagtuyot ng bansa sa ASEAN Basketball League, naungusan ang Mono Vampire Thailand sa knockout game 5, 102-92 sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna noong Mayo 3. Finals MVP si Bobby Ray Parks, Jr. at ikatlong korona ito ng ‘Pinas sa walong edisyon ng liga.

GIN KINGS HARI SA
COMMISSIONER’S CUP

Nadale ng Barangay Ginebra San Miguel ang mid-season PBA Commissioner’s Cup title sa 93-77 game six victory kontra sa utol na Philippine Cup king San Miguel Beer Agosto 8 sa MOA Arena, Pasay City. Finals MVP si Gin King Earl Scottie Thompson.

MAGNOLIA PUMRIMERA SA GOVERNORS’ CUP

Sinundan ng Magnolia ang mga kapatid na Philippine Cup champion San Miguel Beer at Comissioner’s Cup titlist Barangay Ginebra San Miguel sa tagumpay sa ika-43 edisyon o taong 2017-2018 ng PBA, sinikwat ng Hotshots ang season-ending Governors’ Cup laban sa Alaska sa anim na laro. Hinirang si Earl Scottie Thompson na Finals MVP nu’ng Dec. 19.

UP KAMPEON, TAPOS NG 36 NA TAON

Sept. 12 nang matapos ng University of the Philippines Lady Fighting Maroons ang 36 taon na title drought sa pag-upo sa trono ng 2018 Premier Volleyball League Collegiate Conference championship. Si Isa Molde ang conference at finals’ most valuable player.

PETRON NAKA-4
NA SA PSL

May 5 nang mahambalos ng Petron Blaze Spikers ang fourth championship sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix Conference, tinaob ang F2 Logistics Cargo Movers sa 4 games. Si Lindsay Stalzer ang Finals MVP.

GAWILAN, UNANG
NAKA-GOLD SA APG

Oktubre 7 sa Jakarta, Indonesia, na­ging unang Pinoy na nanalo ng gold medal sa kasaysayan ng Asian Para Games (APG) si Ernie Gawilan. Sa ikatlong APG, nilangoy ng para swimmer ang tamis ng tagumpay sa men’s 200-meter individual medley.

WALA PA RING
SAGABAL KAY TABAL

Tinakbo ni 2016 Rio de Janeiro Olympian marathoner Mary Joy Tabal ang ikaanim na national women’s crown sa 42nd National Milo Marathon sa Laoag City noong Disyembre 9. Siya na ang pinakamatagumpay ng marathoner sa taunang takbuhan.

TIO UNANG MEDALIST NA PINOY SA SYOG

Opisyal na nakamedalya na ang Pilipinas sa Summer Youth Olympic Games (SYOG) Oct. 14 nang masikwat ni kiteboarder Christian Tio-Mohn ang silver medal sa boy’s IKA Twin Tip Racing event sa Buenos Aires, Argentina.
2 OLYMPIAN CAGER, YUMAO

Nalagasan ng dalawang kasapi ang Philippine Olympians Association nang suma­kabilang buhay sina Joaquin Rojas at Danilo Florencio noong Jan. 30 at Feb. 25, ayon sa pagkakasunod.
GUIAO PASOK, REYES LAYAS

Setyembre nang sipain ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Chot Reyes at palitan ni Yeng Guiao bilang coach ng Team Pilipinas.