Kinikidnap sa casino umakyat na sa 73

May kabuuang 73 kaso ng kidnapping sa mga casino ang naitala ng Philippine National Police sapol noong 2017, ayon kay PNP deputy chief for Operations Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng money laundering, sinabi ni Eleazar na may siyam ng kaso ng homicide sa insidente ng kidnapping noong 2019 na ibig sabihin ay pinapatay ang mga biktima.
Bukod dito’y tumaas din ang mga kaso ng prostitusyon at telecommunication fraud.

“It is a cause of concern for all of us. You have witnessed more cases of prostitution dens being raided. Kasi nga sa pagdami nila dito, eh pati na rin iyong ibang mga business–minded, nagki-cater na rin sa iba pang mga pangangailangan ng kanilang mga Chinese nationals,” ani Eleazar.

Sa pagdinig, inihayag ni Eleazar na mula sa 2017 hanggang 2020, may 73 kaso ang naitala kung saan 80 ang biktima at 142 ang naarestong suspek. May 22 kaso naman ang naisampa na sa korte. (Dindo ­Matining)