Kinunsinti kaya namayagpag ang mga Ampatuan

Ano ba ang background ng pamilya Ampatuan? Kailangan natin i-establish ang kanilang naging pag-angat sa politika para maintindihan kung bakit nagawa nila ang isang krimen na ma­ging si Hitler ay hindi nagawa noong mga panahong kinatay niya ang mga Hudyo kung ang pag-uusapan ay ang rate of killing time.

Sang-ayon kay Professor Arnold Esguerra, history fellow ng University of the Philippines, ang ninuno ng angkan ay si Shariff Aguak, isang Muslim preacher at isa sa mga unang tao na nagdala ng Islam sa Min­danao. Ang kanilang estado sa buhay ay mas mababa sa datu, pero ito’y nagbago noong kalagitnaan ng dekada ‘70 matapos na maging tauhan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang namayapang si Andal Senior para makatulong sa pagpuksa ng rebel­yon sa Mindanao noong mga panahong iyon. Naitalaga siyang OIC ng bayan ng Maganoy noong panahon ni Cory Aquino.

Pero panahon ni Gloria Macapagal Arroyo na naupo sa puwesto noong 2001, nang maging mas makapangyarihan ang mga Ampatuan. Naging gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) si Andal Senior na siyang kumukontrol sa limang malalaking probinsya, na para bagang ma­bigyan ng self-rule mula sa administrasyong Arroyo.

Noong mga panahong iyon sila naghari. Nabigyan ng pondo ang probinsya na, ayon sa balita ay gina­wang sariling pondo ng pa­milya at naging daan para pati hustisya, pulisya, Commission on Audit (COA) ay bilhin ng angkan.

Sa kabila ng mga balita ng pag-abuso sa kapangyarihan, nagbingi-bingihan, nagbulag-bulagan ang Arroyo administration dahil sa pagiging tapat na kaalyado. Sa katunayan, ang paniwala, sa Maguindanao nanggaling ang mga boto na hiningi ni Arroyo kay Garci na siyang naglagay sa kanya sa termino ng hanggang sampung taon.

Ang sinasabi natin, kaya namamayagpag ang mga political warlord gaya ng mga Ampatuan dahil ang central government ang kanilang nagiging benefactor. Sa kaso ng mga Ampatuan, si Arroyo ang kanilang enabler, si Arroyo ang kumunsinti sa kanilang kalokohan. Hindi niyo maiiwasang sisihin din ang Arroyo administration sa pagkamatay ng 57 tao noong Nobyembre ng 2009.

Mahihinto ba ang political warlor­dism, ng mga angkan na maghahari-harian sa politika? Hindi ko alam. By any indication, mukhang magpapatuloy ito dahil sa uri ng politika na meron ang bansa na kumukunsinti sa patronage politics o padrinong klase ng politika.

Kudos kay Judge Jocelyn Solis Reyes. Baka hindi niyo pa alam, hindi ho siya ang orihinal na hukom na dapat na humawak sa kasong ito. Ang unang binagsakan ng kaso ay ang sala ng isang lalaking hukom ng Quezon City Regional Trial Court. Bagama’t nabanggit na po kung sino, pero hindi na ho natin babanggitin dito sa palatuntunan para hindi naman siya mahusgahan. At wala akong balak na siya ay husgahan. Malamang meron siyang sapat na dahilan, personal o anuman, sa kanyang pagtangging hawakan ang kaso. Ang ating ipagdiwang ay ang talino, tapang na ipinamalas ng isang babaeng hukom, sa katauhan ni Reyes. Ang tao ay sinusukat sa mga pinipili niyang gawin habang siya ay nabubuhay.

Naibalik ba ang tiwala sa hustisya sa ibinigay na hatol ni Judge Reyes? Walang duda. Maituturing na patas, at mabilis sa inaasahan ang naging hatol. Hanggang sa muling paglilitis at paghatol sa mga susunod na kaso ng karahasan dahil sa politika.