Walang ipinakitang awa ang isang grupo ng kalalakihan nang walang pa­kundangan nitong kinuyog at pinagsasaksak hanggang mamatay ang isang lalaki na nagsumbong umano sa mga pulis hinggil sa pag-iinuman at ingay ng mga salarin sa kalsada sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng ­Caloocan City Police ay ­pasado alas-tres ng madaling-­araw nang maganap ang insidente sa tapat ng ­bahay ng biktimang si Michael Ledezma II, 31, ng Katarungan Street, Barangay 159, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Nakatayo umano sa harap ng kanilang ­bahay ang biktima nang ­sugurin ng grupo ng hindi bababa sa limang ­kalalakihan na inaalam pa ang pagkaka­ki­­lanlan at bigla na lamang siyang hinataw ng tubo sa ulo ng isa sa mga ito.

Nagkanya-kanya pa ng suntok sipa at pamamalong muli ang mga suspek kahit pa nakahandusay na ang biktima. Hindi pa nakuntento ang isa sa mga suspek at sinaksak ang biktima. Saktong kakarating lang ng ama ng biktima at agad na sinaklolohan ang anak. Doon na nagpulasan ng takbo ang mga suspek.

Agad naisugod sa Caloocan City Medical Center ang biktima at inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit bumigay din ito dahil sa malalang pinsala sa ulo, katawan at mga saksak.

Bago ang ­insidente ay may mga nag-iinuman umanong kalalakihan sa gilid ng kalsada kahit na ba­wal ang uminom at ang ­ingay-ingay pa. Ini-report umano ito ng biktima sa Caloocan City Police Community Precinct (PCP) I ngunit nang respondihan ay nag-alisan ang nag-iinuman.

Hinala ng pulisya na ikinagalit ng mga suspek ang pagsusumbong ng biktima kaya’t ito kinuyog at pinagsasaksak.